Wednesday, April 02, 2008

Krisis sa pagkain
Ni Perry Calara

Sinusunod na natin ang maraming bagay mula sa siyensya para sa produksyon ng pagkain. Bihira na tayong humingi ng ulan mula sa kung sino mang maligno sa ating kapaligiran. Natulungan na tayo ng siyensya para sa ating mga desisyon para sa produksyon ng ating pagkain.

Sa ngayon nakaamba ang krisis sa pagkain lalu na sa supply ng bigas. Sinasabi sa atin ng Malakanyang na walang krisis pero nagsasabi ang ating karanasan at kaalaman sa siyentipikong pagsusuri na may problema ang sinasabi ng palasyo. Alam nating kapag tumataas ang presyo ng isang bagay maaaring wala na itong supply: O baka merong kartel na nagmamanipula; o may kartel at walang supply.

Kung pakikinggang mabuti ang Malakanyang at ilalapat ito sa nangyayari, mukhang mayroong itinatago sa atin ang pamahalaan. Nakakagigil ito dahil basehang pangangailangan ang pagkain, aktibista ka man o hindi.

Heto ang ilang lumalabas sa pagsusuri ng ilang sector kung bakit nga ba may nakatutok na krisis sa bigas at pagkain sa ating bansa:

1. Kulang ang produksyon. Ito ang dalawang dahilan sa maramng dahilan:
a. Maraming taniman na ang kikokonbert sa ibang bagay maliban sa gawin itong taniman para sa pagkain. Halimbawa dito ang pagkonbert ng mga lupaing pang-agrikultura na maging subdibisyon para makaiwas sa land reform. Minsan meron mang taniman ayaw namang magtanim ang magsasaka dahil nalulugi sila.
b. Matagal na tayong importer ng palay simula ng nakibahagi tayo sa globalisasyon. Kaya lang sa ngayon mukhang nagkakaubusan din ng palay sa ibang bansang pinagkukunan natin ng bigas. Hindi tayo maka import.

2. Kartel. May ibang tao (minsan kasabwat ang ibang taong gobyerno) na nagtatago ng bigas para mawalan ng supply sa market, para tumaas ang presyo. Kapag mataas na ang presyo, saka magbebenta ang mga ganid na ito para mas malaki ang tubo.

Kaya yung siyentipikong pagiisip na natin ang nagsasabing kung gusto nating magkaroon ng Rice security o food security kailangan maglaan ng lupa para sa ating pagkain.

Kung may krisis na talaga sa pagkain ang mga hindi nagagamit na lupa (at marami nito ang maraming malalaking panginoong maylupa) taniman ng mga pagkain. Alagaan din ang mga magsasaka, kung maaari ay bigyan ng lupain para makapagtanim. Kailangan ding gawing pangunahin sa ating policy ang “local food production” kabaliktaran sa pagiimport ng pagkain na patakaran ng pamahalaan.

Kailangan ding buwagin ang kartel. Kilala naman ito ng gobyerno political will lang ang kailangan para mabuwag ang mga ito. Pero kung bahagi ka ng kartel, papaano mo nga naman bubuwagin ang iyong sarili (para sa kumentaryo, paki lagay lang po sa: http://pilipinoka.blogspot.com/).

Wednesday, December 12, 2007

Yahoo!, Chu-cho
Ni Perry Calara

“Isinumbong” ng Yahoo! ang dalawang instik sa gobyerno ng Tsina nang ang huli ay humingi ng identifying information ng dalawang ito.

Si Shi Tao, ay naglagay ng ilang impormasyon sa kanilang lipunan sa site ng Yahoo!. Naipost niya ang ilang impormasyon tungkol sa pro-“democracy” movement sa Tsina. Siya ay inakusahan ng pamahalaan repormistang komunistang pamahalaan ng Tsina na namamahagi ng sekreto ng estado.

Ang resulta? Nakulong si Shi Tao.

Ang Sabi na lang ng Yahoo! sa mga magulang ni Shi Tao, “I am sorry.“ Aba! parang narinig ko na iyan, ah.

Hindi lang ito ginawa ng Yahoo! kay Shi Tao. Nagawa na nila ang pag Chu-cho sa estado sa kaso naman ni Wang Xiaoning, isang pro-democracy advocate. Ibinigay din ng Yahoo! ang identifying information ni Wang. Ano ang resulta? Katulad ni Shi Tao kulong din si Wang--10 taong pagkakulong. Wow, sa pagpopost sa internet? Sa mga sinusulat natin baka hindi lang 10 taon tayo ikukulong kung nagkataong repormistang komunistang Tsina ang ating bansa.

Nakanggigigil dahil tinulungan ng kumpanya ng Yahoo! ang isang estado na mawalan ng karapatan ng “free speech” si Shi Tao at Wang Xiaoning. Sa isang demokrasya, mahalagang-mahalaga ang karapatan ng “free speech.” Nagpapakita ang pangyayaring ito na may mga kumpanya na gagawin ang ilang anti-mamamayan para lang kumita.

Magising tayo sa katotohanang mayroong nag didiyos-diyosan, katulad ng Yahoo, na maaari ring gawin sa atin ang ginawa sa dalawang instik.

Nakakatakot ang pangyayaring ito. Isang mensahe nito sa ating mamamayang na mag-iingat sa kung ano-anong ipinopost natin sa internet.

Mas lalung mag-iingat tayo lalu pa at medyo desperado ang mga elite na namamahala sa ating lipunan. Gagawin at gagawin ang ano mang bagay para lang maisalba ang sarili. Walang sinasanto ang asong na-uulol. Dagdag pa dito, mas marami pang sakit na ulo ang nasa malakanyang sa dumarami niyang kalaban. Higit sa lahat marunong ding magbigkas ng, “I am sorry” ang ginang na nasa Malakanyang.

Tinatanggap ko na na baka nga mangyayari na ang “paniniktik” sa atin pagkatapos kong ipost ang kolum na ito sa internet sa mga site na ito: http://pilipinoka.blogspot.com/ at sa http://pinoygazette.blogspot.com/. O well, hayaan mo na sila. Kayo, kung gusto ninyong mag komento sa artikulong ito pasok na sa URL na nabanggit. Baka gusto ninyong gawing protesta ang mangpatiktik comment ka lang sa kolum na ito.

Hayaan ninyo hindi Yahoo ang blogspot, pag-aari ito ng Google.

Saturday, December 08, 2007

Magdiwang vs. Magdalo
Ni Perry Calara

Sa pangunguna ni Senator Antonio Trillanes, Nambulaga na naman ang Magdalo sa mga front pages ng gating mga dyaryo.

Dahil sa pagkapikon sa mga pinaggagagawa ni Arroyo nananawagan na naman sila na pababain si Gloria arroyo sa puwesto. Dahil daw sa korapsyon, pandaraya sa eleksyon, at responsibilidad sa mga extrajudicial killings kailangan daw paalisin na ito sa Malakanyang.

Nag walk out sila sa isang court hearing at nag camp-out sila sa Manila Peninsula. Ngunit, pagkatapos ng mga anim na oras nirambo sila ng mga Alipures ni GMA.

Ok lang naman ang isyu nina Trillanes at kanilang mga hinaing, kaya lang medyo may sabit sa pamamaraan. Ano, naniniwala sila na spontanyo ang people power? Naniniwala ba silang mangyayari ito kahit walang organisadong puwersa?

Hindi ba sila natuto sa kasaysayan? Dapat siyentipik na rin ang pagtingin nila sa kasaysayan. Napag-aaralan ang mga obhetibong mga puwersa at kalagayan.

Sa nakaraang dalawang people power, mayroong mass base na organizadong puwersa ang mga ito. May mga organisadong grupo na taon na ang binilang para itulak ang isang people power.

O baka naman mali ang pinapanigan nila sa kasaysayan. Isa na diyan, Magdalo ang ipinangalan nila sa kanilang grupo. Sino ba ang mga ito sa ating kasaysayan?

Ang grupong magdalo ay kinabibilangan ng malalaking burges noon na kinatunggali ang ating Pambansang Bayani na si Andres Bonifacio na kasama ang mga Magdiwang. Kung maaalala ninyo magkatunggali ang Magdalo at Magdiwang noong nagkaroon ng eleksyon ang katipunan noon sa Kabite. Naihalal noong Presidente ng katipunan si Emilio Aguinaldo. Naihalal namang Direktor ng Interior si Bonifacio. Ngunit kinuwestyon pa ng paksyon ng magdalo ang pagkahalal ni Bonifacio bilang director ng Interior. Nagalit si Bonifacio at pinawalang bias ang eleksyon bilang supreme ng katipunan. Hinuli naman siya ng mga pinuno at hinatulang mamatay.

Oo mukhang magaling si Aguinaldo at ang mga Magdalo sa Military pero mukhang galling naman sila sa saray ng mga may lupa. Bakit naman sila magugustong mamuno si Bonifacio at ang kanyang magdiwang. Baka ipamigay lang ang kanilang lupain sa magsasaka kung sakaling manalo ang rebolusyon.

Wednesday, November 28, 2007

May People Power kaya?

Kung ang pagkabiyak-biyak ng mga pampulitikan puwersa ay sukdulan na,
Kung sawang-sawa na ang taong bayan sa kasalukuyang nasa malakanyang at kanyang mga alipures,
Kung sukdulan na ang pasensya at pagkalam ng tiyan, malamang magkaroon ng people power 2007.

Malamang magkaroon ng bagong pamunuan sa malapit na hinaharap.

Nangangailangan lang ito ng mitsa. Ang pagwalkout kaya at pag camp-out nina Gen. Lim at Sen. Trillanes ay magsilbing mitsa sa isang people power? Nananawagan sila sa taumbayan at sa kapwa militar na alisin ang suporta sa clique ni GMA.

Sa mga unang oras, sinusuportahan ito ng ilang sibilyan katulad nina Vice president Teofisto Guingona, Ilang Obispo, at ilang militanteng grupo. Lalaki pa kaya ang suportang ito?

Kayo, sa tingin ninyo, babagsak na kaya si GMA? Suportahan kaya ng taumbayan ang camp-out nina Lim at Trillanes?

Paki sagot lang po ang katanungan sa: http://pilipinoka.blogspot.com/.

Saturday, November 17, 2007

Ang Bilis-Bilis Malutas!
Ni Perry M. Calara

Mapapahiya ang speed of light ni Albert Einstein sa mga pangyayari.

’Spectacular breakthrough,’ sabi nga ni Speaker Jose De Venecia. Baka ang ibig pang sabihin ng Speaker ng kamara ay super duper, mega spectacular ang pagkakalutas sa Batasan Blast.

Biruin ninyo, kulang-kulang sa 2 araw lang pagkatapos ng putukan sa kamara, alam na ng mga police ang mga taong may link sa krimen na iyon. Napatay pa nila ang ilan, fantastic talaga! Parang sine. Nagmumukhang elementaray ang mga imbestigador sa TV episode na Crime Scene Investigation (CSI) na kulang ang 2 araw para mabigyang kalutasan ang isang krimen. Kumpleto sa gamit at kumplikado pa ang siyensya sa CSI. Sa ginawa ng mga police natin magmumukhang amature sina Mcgyver at James Bond.

Kung swerte ang pagkaka lutas sa Batasan blast, spectacular na suwerte rin ito, parang sampung beses na tumama sa lotto ang mga police natin. Mula sa karanasan na makalutas ng krimen ang ating mga ka-polisan, statistically fantastic talaga ang mga pangyayari. Ano ang statistical probability na malulutas nila ang krimen sa loob ng 2 araw lamang?

Ang Bilis-bilis talaga! Mamamangha nga si Ninoy Aquino, Ramon Magsaysay, at mga Human rights victims na hindi makila-kilala ang mga may kagagawan sa kanilang mga sinapit.

Aba! kung ganoon kagagaling ang mga police natin dapat mag-training sa kanila ang FBI at Interpol.

Kaya lang, dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari, marami tuloy ang hindi makapaniwala. Alam naman ng maraming biktima ng krimen sa Pilipinas na medyo may kabagalan ang imbestigasyon dito. Kung bilis lang ng paglutas ng krimen ang pag-uusapan, mukhang statistical error ang nangyaring mabilis na pagkalutas ng Batasan Blast.

Kung naniniwala ang police na solido ang kanilang kaso, dapat hindi sila matakot na magkakaroon ng independent investigation. Sa metolohiyang siyentipiko kasi, pagbli-baliktarin mo man ang kuwento lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan. Kahit sino ang mag-imbistiga iyon at iyon pa rin ang lalabas na kuwento.

Kung matatakot ang police natin sa independent investigation sa Batasan Blast, ay! Mukhang may script ang mga pangyayari.

Tayo namang mamamayang parating tinitipid sa impormasyon ng pamahalaan dapat lang gawin nating giya ang basic science at lohika para analisahin ang mga nangyayari sa ating kapaligiran. Maging mapanuri para makita ang katotohanan sa mga kuwento ng ating lipunan. Alam naman nating sa mga makatotohanang kuwento lang tayo mabubuhay ng matahimik at matiwasay (para sa kumentaryo, paki lagay lang po sa: http://pilipinoka.blogspot.com/).

Tuesday, November 13, 2007

Pagsabog, bahagi ng pampulitikang krisis
Perry M. Calara, KNF

Sa loob ng isang buwan dalawang malaking pagsabog ang naganap sa Metro Manila. Sumabog ang isang bahagi ng Glorietta 2 noong 19 Octobre 2007 at sumabog naman ang isang bahagi ng Batasang pambansa nitong 13 November 2007.

Ano ang halaga nito sa ating buhay at pulitika? Sino ba ang nakikinabang sa mga pagsabog na ito? Baka naman makita ang sagot sa timing ng pangyayari. Mukhang nata-timing ang mga ito kasabay sa ilang mahahalagang pampulitikang kaganapan sa ating bayan.

Iyong pagsabog sa Glorietta ay nangyari nang lumulubog sa kumunoy ng batikos ang mga nasa trono dahil sa maanumalyang transaksyon ng National Broadband Network deal sa ZTE ng China. Nadagdagan pa ang paglubog nito sa isyung suhulan sa loob mismo ng Malakanyang. AT nang umiinit na ang mga akusasyon ay naganap ang pagsabog sa Glorietta.

Sa mga unang oras pagkatapos ng pagsabog, medyo lumalabas ang angulong kagagawan ito ng terorista. Subalit, nang hindi ito kinakagat ng "public opinion" parang napalitan ang dahilan. Ang pangalawang pinalalabas na dahilan ng mga awtoridad, at ito na ang opisyal nilang kuwento, ay aksidente ang nangyari sa Glorietta. Terrorista, aksidente, o kailangan lang ng reyna na dibersyon para maalis ang init sa kanyang puwitan, ano nga ba ang dahilan? Bago pa man malaman ng mamamayan ang sagot may sumabog na naman.

Sa ngayon hindi pa makalimutan ang isyu ng suhulan dahil mukhang hindi matanggap ng mamamayan ang kuwento ng Malakanyang at kanyang alipures tungkol dito. Alalahanin din na ito ang gabi bago pumunta si Fr. Ed Panlilio, Gobernador ng Panggasinan, sa Senado upang magbigay ng kanyang sariling kuwento sa isyu ng suhulan. At sa kamara, mukahng hirap ding ibenta sa mamamayan ang kuwento ng zarzuela sa impeachment issue.

Katulad sa timing ng pagsabog sa Glorieta, nangyari ang pagsabog sa Kamara nang tuloy-tuloy pang lumulubog sa kumunoy ng batikos ang mga elitistang nasa trono.

Ang pangalawang pagsabog ay hindi na sa shopping mall ngunit sa kamara, isang haligi ng gobyerno. Dito, mabilis na inakusahan ni Speaker Jose De Venecia ang mga terorista, anarkista, ekstremista.

Terorista nga ba? O baka humahantong na sa sukdulan ang pampulitikang krisis sa ating bayan. Baka manipestasyon lang ito na matinding pagkakahati ng mga pampulitikang puwersa sa ating bayan para pasabugin ng isang paksyong ang isang mahalagang haligi ng pamahalaan.

Kung manipestasyon ito ng tumitinding krisis, kailangan ng bawat isa na maghanap ng mapapanigan. Dapat nilang pag-aralan at intindihin ang mga nangyayari sa kapaligiran. Kailangan ng bawat isa na maghanda. Ang hindi makapaghanda at makakapanig ay baka maipit sa gitna ng mga naguumpugang mga pampulitikang puwersa (para sa kumenteryo pasok lang po sa: http://pilipinoka.blogspot.com/).

Wednesday, March 07, 2007

Artistatokrata

Ni Perry Calara, Kaiba News and Features

Lahat ba ng tao sa Pilipinas artista? Lahat ba ng kuwento sa lipunan ay tungkol na lang sa mga pagdurusa, reklamo sa buhay, at kaartehan ng mga artista? Wala na bang ibang sector at uri ng pamumuhay na puwedeng pag-usapan?

Aba! Halos magtatatlong linggo ng pinaguusapan ang buhay ni Kris Aquino at Hope Centeno sa prime time television. Wala na bang Iba? Parang ginagatungan pa ito ng ABS-CBN at GMA para sa kanilang network rating.

Noong nakaraang linggo lumabas din ang larawan ni Joma Sison at Ara Mina sa mga pahayagan, front page! Hindi na napagusapan ang reklamo ni Joma laban sa globalisasyon at extra-judicial killing. ‘Ni hindi nga naungkat ang debate kung siya nga ba ay rebolusyonaryo o isang terorista. Basta lang natampok sa pagawaan ng tsismis ni “General” ang kasamang cleavage na kasayaw ng founding head ng Communist Party of the Philippines (CPP). Na-front page dahil artista, wala na bang ibang may cleavage sa ibang sector ng lipunang Pilipino?

Dito naman sa rumaragasang eleksyon, Tito Sotto at Caesar Montano na ang pinatakbo ni Gloria na para bagang kulang pa ang mga artista sa Senado. Oo, wala namang masamang kumandidato at iboto ang mga artista pero ano ba ang malaking nagawa at ipinaglaban na people’s issue ng dalawang ito? Wala na bang ibang taong maaaring bumandila ng isyu ng ibang sector?

Si Kiko Pangilinan kinakapital talaga ng todo ang asawang si Sharon Cuneta sa kanyang political advertisement. Ipinagtutulakan ang asawang artista para malimutan ang Mr. noted image ni sir. Si Ralph Recto pinagsisiksikan pa si Vilma Santos para maging kandidato sa pagka-gobernardor sa Batangas. “Ralph, kung itutulak ninyo talaga si ate Vi sa karnabal na ito, mukhang makakaaway mo ang iyong kuya Ricky.” Tama ba ang proklamasyon mong, “only Vilma Santos can speak for Vilma Santos?” Yah, right.

At, mukhang tumataas sa survey si Noy Aquino dahil sa kalungkutan ng kapatid na si Kris. Diyos ko po! mas maganda sana kung tataas siya sa survey ranking ng dahil sa people’s isyu at platapormang dinadala at hindi dahil sa karamdaman ni Kris. Unles! una niyang ihahaing batas sa senado ay: “bawal na muling umibig ang Kris para hindi na nate-tense ang sambayanang adik sa “deal or no deal” at “game ka na ba?” show ng Kristeta.”

Ang mga mukha at mga kuwento na lang ba ng mga artistang ito ang ipapalamon ng dominanteng mala-kanluraning kultura sa ating mga isip? Sa lipunang may “ARTISTATOKRATA,” mukhang sinasadya ng mga dominanteng uri na may kontrol sa pulitika, ekonomiya, at media na artista na lang ang pagusapan at kalimutan natin ang kahirapan. Mukhang inaaliw ang sambayanan upang makalimutan ang inhustisya sa lipunan.

Sa gitna ng pang-aaliw, baka tuluyan na nating makalimutan na mayroon ding mina ng mga makukulay na kuwento ang ibang Pilipino. Kuwento ng pag-ibig, reklamo sa buhay, ka-artehan na labas ng buhay artista. Nandiyan ang pag-ibig ng mga pamilyang hiniwalay ng mga extra-judicial killings at migration. O, kuwento ng isang OFW na sa paguwi ay dinatnan ang matalik na kaibigan na nakikipag yugyugan sa kanyang asawa sa kanyang sariling kama. Sa media at manunulat, baka gusto ninyong tutukan ang kuwento ng pakikibaka ng mga mag-asawang pinagkakasya ang mala-pulubing kita upang buhayin ang isang pamilya na may dignidad.

Hindi lang artista ang tao sa Pilipinas. Hindi lang artista ang nagdurusa at nais magsilbi sa bayan. Hindi lang artista ang nagugutom at marunong umiyak. Hindi lang artista, mayroon pang ibang sector ang lipunang Pilipino na umaarte sa tunay na sine, telebisyon, at entablado ng buhay (Perry Calara, Kaiba News and Features).